Inaprubahang dagdag-pondo ni Pangulong Duterte para sa SRA, baka abutin pa ng 1 hanggang 2 buwan bago matanggap ng mga healthcare workers

Duda ang grupo ng mga nurse na matatanggap agad nila ang P407 milyong dagdag-pondong inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa COVID-19 Special Risk Allowance (SRA) ng mga healthcare workers.

Sabi ni Filipino Nurses United (FNU) President Maristela Abenojar, posibleng abutin pa ng isa hanggang dalawang linggo bago makarating sa mga health workers ang benepisyo dahil na rin sa bagal ng gobyerno sa pagpoproseso at pamamahagi nito.

“Kung titingnan ho natin yung naging karanasan noong nakaraan na sinabi po nila na may deadline na 10 days, dapat yun ay natapos na nila noong September 1 pero hindi nila nagawa.”


“Ngayon po ay September 16 na, so two weeks after the deadline, meron pa silang nire-release na budget kasi hindi pa rin nga nila nabibigyan ang lahat na dapat makatanggap.”, ani Abenojar.

Hindi naman masabi ni Abenojar kung pumapantay na ang suportang ibinibigay ngayon ng pamahalaan sa sakripisyo ng mga health workers sa gitna ng pandemya.

Hanggang ngayon kasi aniya, sunod-sunod pa rin ang nagre-resign na mga nurse dahil sa matinding pagod at kawalan ng sapat na proteksyon ng gobyerno para sa kanila.

“Dati ‘pag nasa ICU po ay 1 is to 1 o 1 is to 3 lamang po ang kanilang patient, ngayon po may mga ospital na tayo na 1 nurse to 10 or 17 patients sa ICU. Tapos po sa COVID wards, dapat po ay 1 nurse to 3 patients ngayon po umaabot na ng 25 [patients] or more. So, matindi po talaga yung pagod na nararanasan ng ating mga nurses at pati ang buhay nila naisusugal,” giit ng FNU president.

“Nawawalan na po sila ng pag-asa dahil mabagal po yung proseso para sila ay tiyakin na ligtas doon sa kanilang lugar paggawa,” dagdag niya.

Facebook Comments