Inaresto na NBI official at kapatid nitong Immigration officer na sinasabing nangingikil sa mga sangkot sa “Pastillas” scandal, kinasuhan na sa korte

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na sinampahan na ng kaso sa Manila Regional Trial Court ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) na hepe ng kanilang Legal Assistance Section at kapatid nitong Immigration officer.

Ito ay matapos na mangikil ang magkapatid na Atty. Joshua Paul Capiral at Christopher Capiral sa mga sangkot sa “Pastillas” scandal kapalit ng hindi pagsasampa sa kanila ng kaso.

Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, kabilang sa isinampang kaso laban sa magkapatid na Capiral ay ang paglabag sa Republic Act 6713 o An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Robbery with Violence against or Intimidation of Persons Penalties at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


Matatandaang inaresto ng NBI ang magkapatid na Capiral sa entrapment operation.

Una rito, ilang opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang kinasuhan na ng NBI sa Office of the Ombudsman kaugnay ng “Pastillas” scam.

Facebook Comments