Inarestong direktor ng isang private care facility sa Pampanga, dumepensa sa mga paratang sa kanya

Dumepensa ang pastor at direktor ng New Life Baptist Church na si Jeremy Ferguson ukol sa mga paratang sa kanya matapos salakayin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanyang pinapatakbong private care facility sa Mexico, Pampanga kahapon.

Sa ulat, nasa halos 160 kabataan ang umano’y nasagip ng DSWD dahil sa mga akusasyon ng pang-aabuso, presensya ng fire hazards sa pasilidad, at maling pamamahala ng pondo.

Ngunit, hindi naging tikom ang bibig ng akusado at inihayag na mabuti ang layunin ng pinapatakbo niyang orphanage. Hindi aniya nila magagawa ang mga malulupit na bagay sa mga bata.

Dagdag pa ni Ferguson, mayroon silang dalawang licensed social workers at 12 house parents para maging maayos ang pagdidisiplina.

Pinabulaanan din nito ang akusasyong hindi maayos na pagpapakain sa mga bata.

Ang mga bata aniya ay legal na nakakapasok dahil sumasailalim ang mga ito sa legal na proseso upang sila ay maalagaan.

Nagpahayag naman ang mga kaibigan nilg akusado na hindi masama ang layunin ng orphanage dahil sila mismo ang nakasaksi kung gaano kaganda ang hangarin nito.

Sa loob ng walong taon, higit 300 na kabataan na umano ang kanilang natulungan.

Facebook Comments