Manila, Philippines – Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Interior Secretary Eduardo Año na magsagawa ng auditing sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi dapat siya lang ang nagpapatupad ng batas sa bansa at nagtitiyak na napipigil ang mga iligal na gawain tulad ng illegal logging, illegal drugs, krimenalidad at iba pa.
Kaya naman inatasan ng Pangulo si Año para alamin kung anong lokal na pamahalaan ang mataas ang crime rate, iligal na droga at iba pang iligal na gawain.
Paliwanag ni Pangulong Duterte, matagal nang nangyayari na tila ipinauubaya ng mga lokal na pamahalaan sa national government ang pagpapatupad ng batas gayong dapat ay nagtatrabaho din ang mga ito.
Sinabi pa ng Pangulo na napupunta na sa kanya lahat ang trabaho at hindi niya ito kakayanin kung wala ang tulong ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ng Pangulo, kung tatamad-tamad lang aniya ang lahat ay magre-resign na lang siya sa posisyon.