Manila, Philippines – Good news para sa mga empleyado ng Jollibee Foods Corporation, inatasan na kasi ng Department of Labor and Employment ang nasabing Fast Food Giant Company na gawing regular ang 6, 482 nitong mga empleyado.
Ipinag-utos din umano ni DOLE-National Capital Region Director Henry John Jalbuena na i-refund ang iligal na nakolektang bayad sa 426 na apektadong manggagawa na nagkakahalaga ng mahigit 15-million pesos.
Ang refund ay para sa coop share, coop christmas party, paluwagan fund at coop savings fund.
Bukod dito, inutusan din ng DOLE ang limang contractors ng Jollibee na ibalik ang iligal na kaltas sa sweldo, bond, donasyon, share at iba pang koleksyon sa 412 manggagawa nito na nagkakahalaga naman ng mahigit 4-million pesos.
Patuloy ang gagawing inspeksyon ng ahensya sa mga malalaki at sikat na fast food chain sa bansa bilang bahagi ng kampanya nila kontra kontraktwalisasyon.
Wala pa namang opisyal na pahayag tungkol dito ang JFC.