Incoming DBM secretary ni President-elect Bongbong Marcos, highly-qualified at may maipagmamalaking track-record ayon sa ilang senador

Pinuri nina Senator Senator Sonny Angara at Ramon “Bong” Revilla Jr., ang pagtatalaga ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Assistant Governor Amenah Pangandaman bilang bagong Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).

Diin ni Angara, napakahaba na ng karanasan ni Mina sa legislature at executive branches, kaya natutuwa siya na kanilang makakatuwang siyang muli sa pag-aaral sa 2023 national budget sa mga darating na araw.

Ayon kay Angara, bilang dating Undersecretary ng DBM sa ilalim ng administrasyong Duterte ay taglay din ni Pangandaman ang napakalawak na kaalaman sa galaw ng departamento.


Matatandaan na si Pangandaman ay nagsilbi noon bilang chief of staff ni dating Senate President Edgardo Angara, na ama ni Senator Sonny at naging chief of staff din ni Senator Loren Legarda noong siya pa ang chairman ng Senate finance panel.

Naniniwala naman si Senator Revilla na best choice itong si Pangandaman dahil bukod sa mapagkakatiwalaan ay hindi basta-basta ang kakayahan at makapagbibigay ito ng malaking ambag kung paano mas maisasaayos ang national spending at ang palakad sa DBM.

Para kay Revilla, makikita sa pagtatalaga kay Pangandaman at sa ibang pang pwesto sa gabinete na binusisi at pinag-aralan ng husto ng susunod na pangulo ang kaniyang mga itinalaga kaya inaasahang maganda ang magiging resulta nito para sa ikauunlad ng bansa.

Facebook Comments