Nangako si incoming Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na ipagpapatuloy at paiigtingin ang social protection programs ng ahensya.
Ito ay matapos ang nangyaring pulong nina outgoing DSWD Secretary Rolando Bautista at ni Tulfo at ang team nito upang mapag-usapan ang organizational structure, mga programa, serbisyo, at nagawa ng ahensya.
Sa pagpupulong, sinabi ni Tulfo na ang pagtanggap sa hamon na maipagpatuloy ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon ng DSWD ay kabilang sa kaniyang adbokasiya sa social work.
Dadag pa ni Tulfo na kaniyang ipagpapatuloy ang social protection programs ng DSWD para sa mga mahihirap na sektor pati na ang mga Person With Disability (PWD) at senior citizen.
Pinuri naman ni Tulfo ang mga nagawa ng DSWD sa ilalim ng pamumuno ni Bautista, lalo na ang digitalization sa mga operasyon ng ahensya.
Ang briefing ay bilang paghahanda sa gagawing turnover ng mga responsibilidad para sa susunod na mamumuno ng ahensya sa katapusan ng Hunyo.