Kinalampag ni Albay Rep. Edcel Lagman si incoming House Speaker Alan Peter Cayetano na irespeto ang pagkakaroon ng authentic minority sa Mababang Kapulungan.
Ang panawagan na ito ay kasunod ng pangamba na maging “company union” nanaman ang iuupong minority leader matapos umanong ihayag ng kampo ni Cayetano na hindi welcome ang oposisyon na maging minority leader sa 18th Congress.
Giit ni Lagman, kung paulit-ulit na sinasabi ni Cayetano ang pagpapatupad ng reporma sa Kamara ay dapat na igalang nito ang pagpili ng Minorya sa kanilang nais na lider.
Nababahala si Lagman na maulit ang nangyari noong 17th Congress kung saan dalawang beses na ginawa ng supermajority ang pagpili ng susunod na Minority Leader.
Ito rin ang dahilan kaya bumuo pa ng isang independent minority group ang mga opposition congressmen sa Kamara.
Ipinaalala ni Lagman na isa sa mahahalagang reporma na dapat gawin sa Kamara ay ang kilalanin at magluklok ng genuine at constructive leader mula sa oposisyon upang magkaroon ng balanse sa legislative process at maibalik ang kredibilidad ng institusyon.