Inconsistencies sa personal na impormasyon ni Mayor Guo, nabusisi sa Senado

Naungkat at binusisi ng husto sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women and Children ang mga personal na impormasyon at ang tunay na pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Matatandaang si Mayor Guo ang iniuugnay sa iligal na operasyon sa mga POGO hub na Hongsheng na sinalakay ng mga otoridad noong Pebrero 2023 at Zun Yuan Technology Inc., na naging sentro ng operasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nito lamang Marso 2024.

Sa pagdinig ng Senado patungkol sa mga human trafficking at cyber fraud operations ng mga POGO sa bansa, nausisa nina Committee Chairperson Risa Hontiveros at Senator Raffy Tulfo ang pagkakaiba sa mga isiniwalat kamakailan ni Guo sa kanyang interview at sa nilalaman ng kanyang birth certificate.


Naitanong ng mga senador na batay sa naging interview ni Guo ay sinasabi nitong si Amelia Leal ang kanyang ina na isang kasambahay at iniwan na siya pagkapanganak pa lang sa kanya.

Pero sa nakuhang kopya ng birth certificate ni Guo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nakasulat doon na kasal ang kanyang ina sa ama nitong si Angelito Guo noong October 14, 1982 at kinasal pa ulit sa iba ring petsa.

Maliban dito, kinumpirma na rin ng alkalde sa pagtatanong ng mga senador na may dalawa siyang kapatid, sina Shiela Leal Guo at Seimen Leal Guo na noong unang pagdinig ay itinatanggi ni Mayor Guo na kilala niya kahit pa sa iisang address sila nakatira.

Nilinaw ni Hontiveros sa pagdinig na hindi 17 taong gulang si Guo nang mairehistro ang kanyang birth certificate kundi 19 years old na siya at 2005 na ito na-register na siya namang kinumpirma ng mayora.

Facebook Comments