Indemnification Pay para sa mga Apektado ng ASF, Naibigay na

Cauayan City Isabela- Mahigit sampung milyong piso (P10-M) ang ipinamahaging tulong pinansyal ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO2) sa 524 na mga Hog Raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) mula sa tatlong Bayan ng Isabela tulad ng Alicia, Angadanan at San Guillermo.

Ayon kay Dr. Roberto Busania, RTD operations and Extensions, sa kabuuang bilang na 2,099 na culled hogs ng mga magbababoy ay babayaran ng nasabing ahensya ng tig Php5,000 ang kada isang baboy.

Nilinaw din ni Dr. Busania na 20 pirasong baboy lamang ang babayaran ng tig limang libong piso sa bawat isang hog raiser.


Sinabi rin ni Busania na ang pagbababuyan ay isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga magbababoy na siyang higit na naapektuhan noong nakaraang ASF outbreak.

Magbibigay din umano ng 20 biik ang DA sa mga hog raisers para sa repopulation sa Probinsya.

Sa pamamagitan nito, umaasa naman ang DA RFO2 na muling sisigla ang Swine Industry sa Lambak ng Cagayan.

Facebook Comments