Kawit, Cavite – Sa kauna-unahang pagkakataon simula ng maupo siya sa pwesto, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang selebrasyon ngayong araw ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.
Gaya ng inaasahan, naantala ang pagsisimula ng Flag Raising Ceremony matapos mahuli ng tatlompung minuto ang Pangulo.
Agad naman humingi ng patawad ang Pangulo sa pagiging late dahil sa malakas na ulan.
Sa kanyang talumpati, umaasa si Pangulong Duterte na maipagtatanggol ng mga Pilipino sa mga taon pang darating ang demokrasyang tinatamasa ng bansa dahil sa pagsasakripisyo ng ating mga ninuno.
Binigyang-diin din niya ang determinasyong sugpuin ang kahirapan, iligal na droga, terorismo at kriminalidad na humahadlang aniya sa pag-usad ng bansa bilang isang bayan.
Kabilang naman sa dumalo sa Aquinaldo Shrine, ang ilang gabinete ng Pangulo, mga miyembro ng diplomatic corps, kabilang na si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na ilang minutong kinausap ni Duterte.
Samantala, hindi naman nagpatinag sa malakas na buhos ng ulan si Bise President Leni Robredo at ilang opisyal na nakiisa sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, Maynila.
Pinangunahan ni Vice President Leni Robredo ang flag raising ceremony at ang pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Dr. Jose Rizal.
Isinagawa rin ang Flag-Raising at Wreath-Laying Ceremony sa Malolos, Bulacan; Monumento, Caloocan; San Juan; Angeles City, Pampanga; at Manila North Cemetery sa Maynila.