Independent contractor ng GMA na si Jojo Nones, ipina-cite in contempt ng Senado

Ipina-cite in contempt ng Senate Committtee on Public Information and Mass Media ang independent contractor ng GMA na si Jojo Nones.

Kasama si Nones sa kinasuhan ni Sandro Muhlach ng rape sa Department of Justice.

Sa pagdinig ng komite patungkol sa mga reklamo ng pang-aabuso sa ilang mga media network at talent agencies, itinatanggi ni Nones na nakikipag-ayos siya sa pamilyang Muhlach sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga ito ng pinansyal na kontribusyon para sa piniling charitable institution ng ama ng aktor na si Niño Muhlach.


Iginiit ni Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada na mayroong affidavit tungkol sa financial contribution na alok ni Nones sa pamilyang Muhlach at ito ay pirmado ni GMA Senior Vice President Atty. Anette Gozon.

Nakasaad pa sa affidavit na tinanggihan ni Niño ang alok ni Nones at nakasaad din na desidido silang magsampa ng kaso sa HR laban kina Nones at Richard Cruz.

Tinukoy pa ni Estrada na mayroong isyu pa na pinag-take ng iligal na droga si Sandro bago ito inabuso at kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mga ganitong alegasyon na lumabas.

Parehong itinatanggi ni Nones na nag-aalok siya ng settlement sa mga Muhlach at pinasinungalingan din niya ang alegasyon na pinagdroga nila ang aktor bago isinakatuparan ang sexual harassment.

Dahil dito, nagmosyon si Estrada na ipa-cite in contempt si Nones dahil sa patuloy na pagtanggi at pagsisinungaling nito sa komite.

Inaprubahan ni Committee Chairman Robinhood Padilla ang mosyon ni Estrada matapos na walang senador ang mag-object at agad na dinala sa detensyon ng Office of Senate Sergeant-at-Arms si Nones.

Facebook Comments