Independent majority sa Kamara, itinanggi ang isyu ng pamumulitika; COVID-19 vaccination plan, pinatututukan ng grupo

Mariing itinatanggi ng independent majority sa Kamara na target nilang mamulitika kaya binuo ang grupo na ‘BTS’ sa Kongreso o Back To Service sa Kongreso.

Paliwanag dito ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, binuo ang independent majority para ituloy ang kanilang nasimulan na trabaho at paghahanap ng solusyon sa problema partikular sa isyu ng bakuna.

Marami aniyang mga isyu na nakakaapekto sa publiko pero iba ang inuna ng kasalukuyang liderato tulad na lamang ng hindi napapanahong Charter Change (Cha-Cha).


Sinabi ni Cayetano na naging mabagal ang aksyon ng Kamara sa isyu ng COVID-19 vaccine dahil sa katunayan ang Senado ay nagkakaroon na ng pagdinig pero ang Mababang Kapulungan ay sa Lunes pa lamang magsisimula.

Ipinagmalaki naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, isa sa bumubuo ng BTS sa Kongreso, na marami sa kanilang mga kasamahan na sumusuporta sa kanila.

Panawagan naman ng independent majority sa kasalukuyang liderato ng Kamara, unahin ang mahalagang isyu at paksa para sa taumbayan.

Facebook Comments