Hinikayat ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang Mababang Kapulungan na magsagawa ng independent review o hiwalay na pag-aaral sa K-12 program.
Sabi ni Manuel, bukod sa Makabayan bloc ay marami pang mga mambabatas ang naghain ng resolusyon sa Kamara na nagsusulong ng pagbusisi sa implementasyon ng K-12 program.
Una rito ay inalmahan ni Manuel na hindi kasama ang mga magulang at estudyante sa ginagawang review ng Department of Education (DepEd) sa K-12 program.
Giit ni Manuel, kailangang mapakinggan ng DepEd ang panig ng maraming kabataan at magulang na pinaasa, pinahirapan, pinag-eksperimentuhan at pinagkakitaan sa ilalim ng K-12.
Paliwanag ni Manuel, ang totoong mga karanasan nila ay dapat maipaloob sa review upang matukoy ang mas makabuluhang mga solusyon sa nakitang butas sa pagpapatupad ng K-12 program.