Index crime mula Enero hanggang Pebrero, bumaba ng 19 porsyento

Bumaba ng 19 na porsyento ang index crime sa bansa mula Enero hanggang Pebrero 25, 2023 kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., indikasyon ito ng patuloy na gumagandang peace and order indicator ng bansa.

Ang index crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, motorcycle theft at vehicle theft.


Ani Azurin, kumpyansa siya na malulutas ng PNP sa lalong madaling panahon at mahuhuli ang mga nasa likod ng pananambang sa ilang mga politiko nitong mga nakalipas na araw.

Aniya, natukoy na ng Special Investigation Task Group (SITG) Adiong ang lahat ng suspek sa pag-atake kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong at nasampahan na ng kaso ang nasa likod ng krimen.

Habang inaasahan namang ang bagong development sa patuloy na imbestigasyon ng magkahiwalay na SITG sa pagpatay kay Aparri Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at tangkang pagpatay kay Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao Del Sur sa Pasay City nitong Pebrero 22.

Facebook Comments