Cauayan City, Isabela- Bumaba ang datos ng index crime na naitala sa lalawigan ng Cagayan mula noong buwan ng Enero hanggang Setyembre 2020 kumpara sa datos nito noong nakaraang taong 2019.
Ayon kay P/Col. Ariel Narag Quilang, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), bumaba ang datos ng mga krimeng nahahanay sa Index Crime tulad ng rape, murder, physical injuries, theft, carnapping, robbery at homicide na umabot lamang ng 163 cases ngayong taong 2020 kumpara sa nakalipas na taong 2019 na umabot ng 360 cases o may pagbabang 55%.
Malaking dahilan umano sa pagbaba ng kriminalidad ang mga isinasagawang kampanya at programa ng kapulisan na ipinapaalam sa mga mamamayan sa lalawigan.
Dagdag pa ni Col. Quilang na ang kapulisan ngayon ng Cagayan ay nakakalat na sa labas ng mga Police Station at laging nakahanda sa pagresponde sakaling may maitalang hindi inaasahang insidente.
Hinimok naman ng Provincial Director ang mga Cagayano na sumunod sa mga programang ipinatutupad ng kapulisan sa lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Lalawigan.