India, magbibigay ng supply ng Hydroxychloroquine sa Pilipinas

Tiniyak ng India na patuloy silang magbibigay ng supply ng gamot sa Pilipinas, lalo na ang Hydroxychloroquine na kasalukuyang sinusubok ang bisa nito laban sa COVID-19.

Ito ang pagtitiyak ni India Prime Minister Narendra Modi sa pag-uusap nila sa telepono ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Malacañang, magpapaabot ang India ng mga abot-kayang gamot at mga COVID-19 pharmaceutical products sa bansa.


Sinabi rin ni Modi na handa ang kanilang bansa na ipaabot ang lahat ng posibleng kooperasyon sa Pilipinas.

Siniguro din ng Indian leader na makakatanggap ang Pilipinas ng bakuna na kanilang dine-develop.

Pinuri din ni Modi ang paghawak ng Pilipinas sa health crisis.

Bilang tugon, pinuri din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang India sa mga hakbang nito sa COVID-19 situation kung saan nagkaroon lamang sila ng 2.82% fatality rate.

Nanawagan din ang Pangulo ng matibay na kooperasyon sa India at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lalo na sa pagpapabuti ng sistemang pangkalusugan, seguridad sa pagkain, at suporta para sa ASEAN Response Fund for COVID-19.

Matatandaang nagbigay muli ng ‘go signal’ ang World Health Organization (WHO) na ituloy ang clinical trials para sa Hydroxychloroquine matapos itong suspendihin dahil sa safety concerns.

Facebook Comments