Indibidwal na inilikas dahil sa Bagyong Odette, umabot na sa mahigit 98,000

Umakyat na sa mahigit 26,000 pamilya o 98,091 indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa Bagyong Odette.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center Chief Jomar Perez pinakamarami sa mga ito ay mula sa CARAGA Region na umaabot ng mahigit 78,000, kasunod ang Region 8 na nasa mahigit 17,000, Region 7 na mahigit 2,000 at Region 10 na nasa 300.

Nagpapatuloy aniya sa ngayon ang paglilikas ng mga apektadong residente na boluntaryo namang sumasama.


Samantala, siniguro naman ni Office of Civil Defense Deputy Administrator Asec. Casiano Monilla na sapat ang bilang ng mga evacuation center para matiyak ang physical distancing ng mga evacuee.

Aniya, maaga pa lang ay tinukoy na ng NDRRMC at mga Local Government Unit (LGU) ang mga karagdagang pasilidad na maaring gamitin bilang evacuation at quarantine center, at may itinakdang maximum capacity para sa mga ito.

Sinabi pa nito, mga miyembro lang ng iisang pamilya ang pinapayagang magsama-sama sa isang tent o cubicle sa mga evacuation center bilang bahagi ng health protocols dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments