Indirect contempt case laban kay De Lima, ibinasura ng Muntinlupa RTC

Ibinasura ng isang korte sa Muntinlupa City ang kasong indirect contempt na isinampa laban kay Senator Leila de Lima at sa kanyang abogado na si Filibon Tacardon.

Batay sa 33 pahinang desisyon ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Gener Gito na may petsang Mayo 2, 2022, ang kawalan ng merito kaya ibinasura ang naturang kaso.

Matatandaang Disyembre 2020 nang maghain ng petisyon ang prosekusyon para igiit sa hukuman na i-contempt sina De Lima at Tacardon dahil sa paglabag umano sa sub judice rule kung saan pinagbabawalang talakayin ang merito ng usapin upang hindi maimpluwensyahan ang kalalabasan ng kaso.


Ginamit na dahilan ng prosekusyon ang naging pahayag ni Tacardon na nagsasabing inabswelto na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) si De Lima sa nabanggit na kaso.

Si De Lima ay nakakulong pa rin sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame matapos arestuhin noong Pebrero 2017 dahil sa pagkakasangkot umano sa kalakaran ng illegal drugs sa New Bilibid Prison (NBP) noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DOJ).

Facebook Comments