INDISCRIMINATE FIRING | 14 na insidente, naitala

Manila, Philippines – Aabot na sa labing-apat na insidente ng iligal na pagpapaputok ng baril ang naitala ng Philippine National Police (PNP) mula December 16 ng alas-6:00 ng umaga hanggang December 27.

Base sa kanilang datos, pito sa mga ito ang naitala sa Metro Manila, tig-isa naman sa Regions 1, 5 at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) habang tig-dalawa naman sa Regions 3 at 7.

Naaresto naman ang siyam na indibidwal kabilang na ang dalawang pulis sa magkakahiwalay na insidente sa Metro Manila noong bisperas at araw ng Pasko.


Ang mga ito ay kinilalang sina PO1 Arnold Gabriel Sabillo, miyembro ng Rodriguez Police sa lalawigan ng Rizal at PO1 Marbin Jay Pagulayan ng Malate Police Station.

Ayon kay Superintendent Vermelee Madrid, Deputy Spokesperson ng Philippine National Police (PNP) alinsunod sa patakaran ay restricted to custody at isinalang na sa tamang proseso ang dalawang pulis na kapag napatunayang guilty ay kaagad na sisibakin sa serbisyo.

Sa ngayon ay may pito pa pinaghahanap dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril kabilang na ang limang sibilyan sa Metro Manila, isang dating CAFGU sa Region 5 at isang pulis sa ARMM.

Samantala, pumalo naman na sa tatlo ang biktima ng ligaw na bala.

Facebook Comments