Nakuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang commitment ni Indonesian President Joko Widodo na muling pag-aralan ang kaso ni Mary Jane Veloso.
Sinabi ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, matapos ang pahayag ng pangulo na tulad ng palagi niyang ginagawa sa tuwing nagkikita sila ni President Widodo ay iniaapela niya ang kaso ni Veloso.
Ang dalawang lider ay nagkausap kahapon sa Malakanyang.
Ayon kay Garafil, may desisyon na ang gobyerno ng Indonesia na pag-aralan ang kasong isinampa ni Veloso rito sa Pilipinas laban sa kaniyang recruiter.
Sa katunayan, ayon sa kalihim na hinihintay ng Indonesian government ang desisyon ng korte ng Pilipinas sa isinampang kaso ni Veloso.
Matatandang kahapon, inihayag ng Department of Foreign Affairs na binibigyan ng pagkakataon ng gobyerno ng Indonesia ang korte ng Pilipinas na makapagsumite ng legal questions sa Indonesia bilang bahagi ng testimonya ni Veloso sa kasong isinampa nito laban sa kaniyang recruiter.