Industriya ng asin sa bansa, napabayaan dahil sa pagiging dependent sa importasyon

Aminado ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na napabayaan ang industriya ng asin sa bansa sa gitna ng pagiging dependent sa pag-aangkat.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera, napabayaan ang salt industry dahil sa kawalan ng batas na tumutukoy kung anong ahensya ang dapat tumutok sa industriya.

Ilan din sa mga dahilan ang kakulangan sa research o pagsasaliksik, kabiguang ma-upgrade ang kanilang teknolohiya, at hamon sa maliliit na salt producers sa pagsunod sa Salt Iodization Act.


Ani Briguera, napakalaki ng potensyal ng salt industry ng Pilipinas dahil sa napakahaba nitong shoreline, at napapalibutan ito ng tubig.

Dahil dito, welcome para sa opisyal ang pagsasabatas sa Salt Industry Development Act na nagtakda sa BFAR bilang lead agency sa salt development.

Naniniwala rin ang ahensya na magiging daan ito sa pagpapababa ng dependency sa importasyon at pagpapalakas ng lokal na produksyon ng asin.

Facebook Comments