Inirekomenda ni Senator Cynthia Villar sa Department of Agriculture (DA) na i-tap ang local fertilizer industry sa bansa para makatulong sa mga nagnenegosyo ng abono.
Ito ay matapos mapag-alaman sa pagdinig ng Senado sa P163.8 billion 2023 budget ng DA na sa voucher system para sa fertilizer assistance program ng pamahalaan, 85% dito ay inorganic, 10% organic at ang natitirang porsyento ay sa ibang uri ng pataba.
Napag-alaman pa sa pagdinig na ang 85% ng inorganic ay puro imported at dito mas napupunta ang malaking bahagi ng subsidiya para sa abono ng mga local rice farmer.
Inihalimbawa ni Villar ang isang planta ng fertilizer sa Batangas na award-winning, gawang lokal, mas mura ang presyo at mas maraming bag ng pataba ang maibibigay kung ikukumpara sa mga imported inorganic fertilizer.
Ayon kay DA Asec. Arnel de Mesa, nakikipag-ugnayan na sila sa Fertilizer Industry Association of the Philippines para sa programa at pagsali ng mga local fertilizer.
Sa 2023 budget, mayroong P15.4 billion na fertilizer assistance ang DA kung saan 1.8 million na mga rice farmer ang makikinabang.
Dito ay namamahagi ang ahensya ng discount voucher na P6,600 sa kada ektarya sa bawat rice farmers at prayoridad sa subsidiyang ito ang mga rice farmer na may 2 ektaryang lupain na sinasaka.