Industriya ng motorcycle taxis, inaasahang mas lalawak pa

Umaasa si Senator Grace Poe na mas lalawak pa ang industriya ng motorcycle taxis sa bansa kasunod ng pag-apruba ng LTFRB ng apat na dagdag pang transport network companies na may 8,000 accredited riders sa Regions 3 at 4.

Ayon kay Poe, outgoing Chairperson ng Senate Committee on Public Services, welcome sa kanya ang pagpasok ng bagong accredited players ng motorcycle taxis.

Aniya, ang pagkakaroon ng healthy competition ay palaging makabubuti para sa riding public.


Ngayon aniya na tapos na rin ang LTFRB sa kanilang pag-aaral sa motorcycle taxis, malinaw na ang motorcycle taxis ay epektibong alternative mode ng transportasyon basta’t nasusunod ang safety measures sa daan at sa mga pasahero nito.

Ang ginawa ring pag-aaral ay nagbibigay ng supporting data para sa pagpapalawak pa ng industriya hindi lang sa iilang players kundi para sa mas malawak pa na operasyon sa bansa.

Dagdag pa ni Poe, ito aniya ang dahilan kaya itinutulak nila sa Senado ang legalisasyon ng motorcycle taxis dahil kapag mas maraming kompetisyon ay mas may access ang commuters sa mabilis, abot-kaya at maginhawang transport options lalo’t napakatindi ng traffic ngayon.

Facebook Comments