
Bahay kubo, kahit munti – malinis, presko at maaliwalas.
Sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, may ilan pa rin ang mas pinipiling magtayo ng bahay na gawa sa tradisyunal na materyales tulad ng pawid na nagpapaalala sa tradisyonal na pamumuhay ng mga Pilipino sa loob ng bahay kubo.
Sa Brgy.Domalandan Centro, Lingayen, buhay na buhay ang industriya ng paggawa ng pawid o ‘pinaor’ na karaniwang gamit ng mga lokal bilang bubong ng bahay kubo na gawa sa pinagtagpi-tagping dahon ng nipa palm tree.
Dahil sagana sa puno ng nipa ang lugar, naging bahagi na ng kultura at tradisyon ng mga residente ang paggawa ng pinaor bilang kabuhayan hanggang sa kasalukuyan.
Dedikasyon at tiyaga ang tunay na puhunan ng mga gumagawa ng nipa shingles o pinaor sa paggawa nito. Sa likod ng bawat piraso ay simbolo ng kasipagan at katatagan sa kabila ng kahit anong hamon upang pagtagpi-tagpiin ang tibay at lakas para magpatuloy sa buhay.
Kahit hindi man tulad ng bahay kubo, na simple, presko, praktikal at madaling ayusin, ang paggawa ng pinaor, dala-dala ng mga gumagawa nito ang pagmamalaki bilang tagapagtaguyod ng kinagisnang tradisyon.
Isa itong repleksyon ng pagpapahalaga sa pangako ng bayan sa pagpapanatili ng kultura, pamana, at umuusbong na turismo ng mga Pilipino.








