Pinalalakas sa Bangar, La Union ang loomweaving sa pagbubukas Phase 2 Shared Service Facility (SSF) sa bayan na layong palakasin ang lokal na industriya ng Inabel at tradisyonal na panday sa hilagang Luzon.
Dinisenyo ang pasilidad upang mapanatili ang kultura at tradisyon habang pinapadali ang paggawa at nililinang ang kakayahan ng mga manghahabi.
Makikinabang dito ang siyam na lokal na micro, small, at medium enterprises (MSMEs) at mahigit 629 na aktibong manghahabi sa Bangar.
Sa tulong ng modernisadong makina at maayos na sistema ng produksyon, inaasahang tataas ang kalidad at dami ng mga produkto ng Abel Bangar, at mas mapapalawak ang merkado nito sa bansa at sa ibang bansa.
Kasabay ng pagbubukas ng pasilidad ay ang pormal na pagkilala sa “Abel Bangar” bilang kolektibong tatak, na rehistrado na sa Intellectual Property Office ng Pilipinas.
Tinitiyak nito ang orihinalidad ng mga produkto at pinapalakas ang pagkakakilanlan ng lokal na industriya ng paghahabi.
Ayon sa Department of Trade and Industry – La Union, patuloy nilang susuportahan ang LGU at mga katuwang na ahensya sa pagpapalago ng industriya, kabilang ang pagpapaunlad ng kasanayan, inobasyon sa produkto, at pagpapalawak ng merkado.






