Tinaasan ng liderato ng Senado ang ‘inflation at medical assistance’ na ibinibigay sa mga kawani ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Mula sa kasalukuyang ₱12,2000, inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri kanina sa ‘flag raising ceremony’ na itataas sa ₱50,000 ang inflation assistance sa mga empleyado ng Senado.
Tiniyak ni Zubiri na matatanggap ng nasa 3,000 empleyado ang dagdag na inflation assistance ngayong darating na Agosto.
Bukod dito, tinaasan rin ng Senado ang medical assistance ng mga empleyado mula sa ₱30,000 sa P50,000 na target na maibigay sa Setyembre.
Ayon kay Zubiri, tinaasan ang mga insentibong ibinibigay sa mga empleyado dahil marami na sa mga empleyado ang nahihirapan sa pang araw-araw na gastusin at batid din ng liderato na napakamahal magpa-check up at magpagamot ngayon.
Dagdag pa sa inanunsyo ni Zubiri ang pagkakaloob ng P30,000 sa bawat taong pagseserbisyo ng mga magreretirong Senate employee.
Ang mga dagdag na insentibong ito ay galing sa kanilang savings at umaasa si Zubiri na sa dagdag na benepisyong ito ay mas lalo pang mapapaghusay ang serbisyo publiko ng Senado.