
Pasok pa rin sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naitalang inflation o antas ng pagmahal ng bilihin at serbisyo sa bansa nitong nagdaang Hulyo.
Ito ay matapos na maitala ang pagbagal ng inflation sa 0.9 percent na pasok sa forecast nila na 0.5 hanggang 1.3 percent kung saan pangunahing nakaapekto raw dito ang patuloy pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa.
Sa kabila niyan, maaari pa rin daw tumaas ang inflation sa 2026 at 2027 subalit mananatili itong pasok sa target na 2 hanggang 4%.
Tiniyak naman ng BSP na nakabantay sila sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa habang sinisiguro na ang monetary policy ay nakatutulong sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.
Samantala, nasa 90 electric cooperatives sa bansa mula sa kabuuang 121 ang naitala na may mababang singil sa kuryente.
Batay sa comparative analysis data ng NEA, lumilitaw na mula January 2024 hanggang nitong Hunyo ay napanatili ng mga electric cooperatives ang mababang presyo ng kanilang kuryente kung saan nasa P1.00 hanggang P4.00 kada kWh na mababa ang kuryente nito kumpara sa Meralco.
Sabi ni Administrator Antonio Mariano Almeda, pinapatunayan lamang nito na kaya ng electric cooperatives na magbigay ng abot-kayang elektrisidad para sa mga Pilipino kumpara sa Meralco.
Una nang umalma ang ilang consumer advocacy groups at energy watchdogs sa hindi bumababang power rate ng Meralco kung saan nitong buwan ng Hulyo ay muling nagpatupad ng dagdag singil at sa kasalukuyan ay nasa P12.6 per kWh ang singil nito sa kuryente na pinakamataas sa buong Southeast Asia.









