Bahagyang bumagal ang Inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Pebrero.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, nasa 8.6% ang inflation nitong nakaraang buwan na mas mababa sa 8.7% headline inflation noong Enero.
Pasok ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 8.5 hanggang 9.3%.
Paliwanag ng PSA, bunsod ito ng pagbagal sa 9.0% ng Inflation sa transport dahil na rin sa bumabang presyo ng gasolina, diesel at motorsiklo.
Samantala, pangunahing nakaambag naman sa overall inflation ang food at nonalcoholic beverages na may 10.8% inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas, isda gaya ng tilapia at karne.
Ang pangalawang commodity group namang nakaambag sa inflation ay housing, water, electricity, gas at other fuels na nagpakita ng 8.6% inflation dahil sa kuryente, renta sa bahay at LPG.
Pagdating naman sa National Capital Region (NCR), tumaas sa 8.7% ang inflation mula sa 8.6% na naitala noong Enero dahil sa mas mabilis na pagtaas sa presyo ng LPG, kuryente at renta sa bahay.
Habang bumaba naman sa 8.5% ang inflation sa mga lugar sa labas ng NCR.