Muling bumagal ang inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa ulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumagal sa 4.7% ang inflation nitong Hulyo na mas mababa sa 5.4% noong Hunyo at 6.4% noong Hulyo ng 2022.
Ang average inflation naman mula Enero hanggang Hulyo ay nasa antas na 6.8%.
Paliwanag ng PSA, nangungunang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa singil sa kuryente at renta sa bahay at LPG.
Pangalawa sa naka-ambag sa mas mabagal na paggalaw ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 6.3% inflation partikular ang pagbaba ng presyo ng manok, tilapia at puting asukal.
Naka-ambag din ang pagbagal ng presyo ng transport na may -4.7% inflation dahil sa pagbaba ng pamasahe sa jeep, bus at eroplano.
Samantala, pagdating sa overall inflation nitong Hunyo, ang pangunahing nag-ambag ay ang food and non-alcoholic beverages kabilang ang pagbaba ng presyo ng bigas, sibuyas at itlog.