Lalo pang bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Hunyo.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 6.1% ang inflation rate sa bansa noong nakaraang buwan.
Mas mataas ito kumpara sa 5.4% na naitala noong Mayo gayundin sa 3.7% na naitala noong June 2021.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation nitong Hunyo ang mahabang serye ng oil price hike at ang paghina ng piso kontra US dollar na nagresulta ng pagmahal ng presyo ng pagkain at pamasahe.
Samantala, tumaas din sa 5.6% ang inflation rate sa National Capital Region mula sa 4.7% na naitala noong Mayo.
Pinakamabilis naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Cordillera Administrative Region at Central Luzon na kapwa nasa 7.5% habang pinakamabagal sa Bangsamoro Region na may 3.1%.