Lalo pang bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin nitong Enero 2021.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala nitong Enero ang 4.2% inflation rate na mas mabilis kumpara sa 3.5% noong December 2020 at 2.9% noong January 2020.
Ito rin ang pinakamabilis na inflation rate simula noong February 2019 kung saan naitala ang 4.4%.
Ayon kay PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa, pangunahing dahilan ng pag-angat ng inflation ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food at non-alcoholic beverages.
Partikular na tinukoy ni Mapa ang pagtaas sa presyo karne ng baboy, isda, gulay at prutas.
“Ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng karne, partikular ang baboy, na may mas mataas na inflation sa antas na 17.1% sa buwan ng Enero 2021. Ang isa pang dahilan ay ang pagtaas ng presyo ng gulay, gaya ng kamatis, sa antas na 21.2%. Ang presyo ng prutas, gaya ng saging at mangga, ay tumaas din sa bilis na 9.0%,” paliwanag ni Mapa.
“If these groups, ‘yong food items ay tataas pa sa mga susunod na buwan then there is a higher probability that we’ll be seeing itong increase ng inflation in the coming months,” dagdag pa niya.
Samantala, ayon kay Mapa, sa kalagitnaan ng Pebrero pa nila makukuha ang datos sa posibleng epekto ng 60-day price cap sa baboy at manok sa NCR.
Bukod sa pagkain, nakaambag din sa mataas na inflation rate nitong Enero ang mabilis na pag-angat ng presyo ng restaurant and miscellaneous goods and services at transportasyon.