Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority o PSA na muling bumagal ang inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Setyembre ngayong taon
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumaba sa 1.9% ang September inflation mula sa 3.3% inflation noong Agosto.
Sabi ni Mapa, ang average inflation na rin sa bansa mula Enero hanggang Setyembre ay nasa antas na 3.4%.
Paliwanag ni Mapa, nangungunang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 4.9% inflation kabilang ang bigas, at kamatis.
Bumagal rin ang inflation sa transport partikular sa presyo ng gasolina at diesel pati na sa LPG at singil sa kuryente.
Pagdating sa National Capital Region (NCR), bumagal rin sa 1.7% ang inflation nitong Setyembre gayundin sa labas ng Metro Manila na nasa 2% inflation.