Inihayag ng Department of Finance (DOF) na mananatili ang mataas na inflation rate sa bansa hangga’t mataas ang presyo ng langis sa world market.
Sa isinagawang post-SONA Economic Briefing, sinabi ni DOF Secretary Benjamin Diokno na ang epekto ng COVID-19 pandemic ay magtatagal pa sa bansa.
Pero, aniya ang Pilipinas ay nakahanda naman na harapin ang mga hamon sa kinakaharap.
Ayon pa kay Diokno, ipapatupad ng administrasyong Marcos ang mga programa upang maibalik ang ekonomiya ng bansa sa high growth trajectory.
Layon aniya na lumikha ng marami at de-kalidad na trabaho at makakamit natin ito sa pamamagitan ng mas mataas na pamumuhunan sa imprastruktura, human development at digitalization.
Dagdag pa ni Diokno, ang mga intervention nito ang magbibigay daan sa atin na mabawasan ang poverty incident o kahirapan sa 9% sa pagsapit ng 2028.
Pag-amin pa ni Diokno na hindi natin kailangan umutang o humiram ng malaking halaga gaya na ginawa natin nung kasagsagan ng krisis.
Binigyang-diin pa ng kalihim na ang administrasyong Duterte ay nag-iwan ng isang legacy na matagumpay ang mga aral na natutunan at gagamitin ito upang mapalakas pa ang mga programa at polisiya.
Sinabi pa ni Diokno na palalawakin pa ang papel ng mga pribadong sektor sa pagsusulong ng pagbabago ng ekonomiya.
Magagawa aniya lamang ang matagalang pagbabago kung magtatrabaho na may pagkakaisa.
Kumpiyansa rin si Diokno na kung mayroon tayong mga tamang tao sa gobyerno at isang malinis na plano na bubuo ng tunay na mga programa na para sa mga Pilipino.