Bumilis ang inflation rate sa Ilocos Region para sa lahat ng income households noong Disyembre 2025 matapos umakyat sa 1.8 porsyento mula sa 1.7 porsyento noong Nobyembre 2025.
Mas mababa pa rin ito kumpara sa 2.9 porsiyentong naitala noong Disyembre 2024.
Batay sa datos, kabilang sa mga produktong nagkaroon ng mas mataas na inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages, partikular ang isda at iba pang seafood, karne, gulay, at prutas. Tumaas din ang presyo ng damit at footwear.
Samantala, mas mababa naman ang inflation sa ilang sektor tulad ng pabahay, kuryente at tubig, transportasyon, kalusugan, at komunikasyon.
Hindi naman nagbago ang inflation rate sa edukasyon, restaurant at accommodation services, at financial services.
Sa kabuuan, ang pinakamalaking nag-ambag sa inflation noong Disyembre 2025 ay ang restaurant at accommodation services, sinundan ng pagkain at non-alcoholic beverages, at pabahay at utilities.
Sa antas ng mga lalawigan, Pangasinan ang nagtala ng pinakamataas na inflation rate sa 3.1 porsiyento. Sumunod ang Ilocos Norte at La Union, habang negatibo naman ang inflation sa Ilocos Sur.
Ayon sa paghahambing, mas mababa ang inflation rate sa lahat ng lalawigan noong Disyembre 2025 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, maliban sa Pangasinan.






