Bumaba sa 1.3 porsyento ang inflation rate sa Ilocos Region para sa lahat ng income households noong Enero 2026, mas mababa kaysa 1.8 porsyento noong Disyembre 2025 at 2.9 porsyento noong Enero 2025.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority Region 1, nakitaan ng pagbaba ang presyo ng karamihan sa pangunahing bilihin tulad ng pagkain, non-alcoholic beverages, transportasyon, kasuotan, at serbisyo sa libangan, habang may bahagyang pagtaas naman sa presyo ng mga serbisyong pabahay, kuryente, tubig, alkohol, at ilang personal care at komunikasyon.
Nanatili naman sa dati ang presyo ng mga serbisyo sa kalusugan, edukasyon, at ilang serbisyong pinansyal.
Pinakamalaking kontribyutor sa inflation ang pagkain at serbisyo sa kainan, kasunod ang pabahay at kuryente.
Sa mga probinsya, pinakamataas ang inflation sa Pangasinan na 2.4 porsyento, sinundan ng La Union na 1.4 porsyento, Ilocos Norte na 0.1 porsyento, at Ilocos Sur na negatibo sa -2.4 porsyento.
Lahat ng probinsya ay nagtala ng mas mababang inflation kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.










