Inflation rate, tumaas sa 2.5% nitong Oktubre!

Bumilis ang galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Oktubre.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ang 2.5% inflation rate nitong Oktubre na mas mataas kumpara sa 2.3% na naitala noong Setyembre at 0.8% noong October 2019.

Ayon kay PSA National Statistician Dennis Mapa, pangunahing dahilan nito ang mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na nasa 2.1%.


Kabilang rito ang 4.7% na pagtaas sa presyo ng karne; 3.7% sa isda at bakery products na may 2.2% inflation.

Aniya, nakitaan nila ng upward trend sa presyo ng pagkain partikular ang Metro Manila at kalapit-probinsya dahil sa problema sa suplay na bunsod naman ng African Swine Fever (ASF).

Pangalawa naman sa may pinakamalaking ambag sa pangkalahatang inflation ang transportasyon (7.9%); pangatlo ang restaurant and miscellaneous goods and services (2.4%).

Nakadagdag din ang paggalaw ng presyo sa edukasyon partikular ang pagtaas ng tuition sa mga private schools.

Naitala naman ang pinakamataas na inflation rate nitong Oktubre sa Bicol Region na nasa 4.1% na epekto ng pagpapatupad ng higit-doubleng pamasahe sa tricycle.

Habang ang epekto ng mga nagdaang bagyo sa rehiyon ay makikita sa November inflation report.

Samantala, ang year-to-date average inflation para sa taong 2020 ay nananatili sa 2.5%.

Facebook Comments