Information at education drive sa COVID-19 vaccine, paigtingin pa ayon sa isang kongresista

Hiniling ng ilang kongresista sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na paigtingin pa ng husto ang information at education drive patungkol sa COVID-19 vaccine.

Sa House Resolution 1818 na inihain ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, pinakikilos ang DOH at IATF na pag-ibayuhin pa ang vaccine information at education efforts para maunawaan ng publiko ang benepisyong makukuha sa bakuna kontra Coronavirus disease.

Layunin ng resolusyon na mapabilis ang bakunahan sa bansa sa pamamagitan ng pagkontra sa mga disinformation na kumakalat kaugnay sa COVID-19 vaccination gayundin ang mapataas ang kumpyansa at tiwala ng publiko sa bakuna.


Ilan sa mga maling impormasyon na pinaniniwalaan ay ang pag-inom ng mga gamot kontra COVID-19 kahit wala pa namang matibay na scientific evidence na magpapatunay na epektibo ito laban sa virus.

Dahil dito, malaki ang pangangailangan para palakasin na ng pamahalaan ang kanilang efforts na maipaunawa at maturuan ang publiko sa benepisyong dulot ng COVID-19 vaccine.

Paliwanag ni Elago, ang pagpapabakuna ay hindi lamang para sa sariling proteksyon kundi ito ay para sa pagkamit ng herd immunity para sa malawak na pagpapalakas ng resistensya at mabawasan ang malalang epekto ng sakit.

Facebook Comments