Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Foreign Affairs o DFA na tugunan ang pinapakalat na maling impormasyon na naging sanhi kamakailan ng biglaang pagdagsa ng mga aplikante para sa passport sa tanggapan ng DFA sa Parañaque City.
Lubos na nabahala si Gatchalian sa naging kalagayan ng mga walk-in applicants na pumila nang magdamag dahil naakit ng mga online fixer, scammers, at recruitment agencies sa mapanlinlang na impormasyon hinggil sa walk-in policy ng DFA.
Bunsod nito ay iginiit ni Gatchalian sa DFA na paigtingin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon para maiwasan na mangyari itong muli na delikado sa kalusugan ng mga dumagdagsa sa DFA at napipilitang matulog pa sa bangketa dahil sa maghapon at magdamag na pagpila.
Mungkahi ni Gatchalian sa DFA, gamitin ang social media platforms pati na rin ang mainstream media upang magabayan nang maayos ang mga aplikante habang patuloy na tinutugunan ang sanhi ng maling impormasyon.
Giit ni Gatchalian, patawan ng nararapat na parusa ang mga iresponsableng recruitment agencies at fixers at sampahan ng kaso ang sinuman sa kanilang nag-aalok ng mataas na bayad sa mga aplikante ng passport at kumukuha ng mga authentication appointment slots.