Pinabubuhay muli ni Senator Francis Tolentino sa Department of Health (DOH) ang information drive para sa COVID-19 vaccine.
Ito ay upang mapalakas muli ang vaccination program ng pamahalaan at matugunan ang pag-aalinlangan sa bakuna ng mga mamamayan sa gitna na rin ng 44 million doses na bakuna na na-expire at nasayang.
Ayon kay Tolentino, ang pagbaba ng vaccination rates ng gobyerno ngayon ay posibleng dahil sa kawalan ng information drive ng mga awtoridad para makumbinsi ang general population na magpabakuna ng booster shots.
Giit ni Tolentino, mas lalong hindi na nagpapabakuna ang marami sa mga Pilipino dahil nawala na ang “sense of urgency” at hindi na rin nakikita at nagre-report ang health department sa mga lalawigan para mag-ulat ng vaccination at infection rate.
Maliban dito, inamin din ng DOH sa Senado na bumaba rin ang weekly COVID-19 vaccination rate sa 46,000 doses kada linggo na sobrang mababa gayong nasa 50.74 million doses pa ng bakuna ang dapat na magamit na dahil sa mga susunod na buwan ay inaasahang ma-e-expire na ang mga ito.
Iginiit ni Tolentino sa DOH na kung magkakaroon ulit ng regular na public briefing ay makakatulong ito na mahimok ang publiko na magpa-booster shots at hindi mauwi sa wala ang mga biniling bakuna ng bansa.