Infrastructure budget ng mga kongresista, lumobo nang maging House Speaker si Velasco – Sen. Lacson

Biglang naiba at lumobo ang infrastructure budget ng mga kongresista nang biglang maupo na House Speaker si Marinduque Rep Lord Allan Velasco.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, naging kapansin-pansin na binago ang House version ng General Appropriations Bill (GAB) nang magpalit ng lider ang Kamara.

Inihalimbawa ni Lacson ang isang distrito na P9 Billion ang inisyal na budget nang si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang House Speaker ngunit nang magbitiw at palitan ni Velasco ay biglang naging P15 billion na ang infrastructure budget ng nasabing distrikto.


Aniya, sa pagbabalangkas pa lang ng NEP ay mayroon nang gapangan ang mga kongresista para sa kanilang mga distrito na nagreresulta sa poor planning.

Matatandaan na nang maupo si Velasco bilang House Speaker noong Oktubre 13, 2020 ay bumuo ito ng small committee na mangangasiwa sa 2021 budget na nagrekomenda ng P20 billion amendments sa budget.

Kabilang sa mga miyembro ng small committee ay sina Majority Leader Martin Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, Rizal Rep. Jack Duavit, Bataan Rep. Jose Enrique Garcia, Albay Rep. Joey Salceda, Batangas Rep. Elenita Buhain, Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin, Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, Camiguin Rep. Javier Romualdo, Samar Rep. Edgar Sarmiento at Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma.

Sa kabila ng sunud-sunud na expose ni Lacson, nanatili namang tahimik ang tanggapan ni Velasco at tumatangging magbigay ng komento.

Kinumpirma naman ni Presidential Anti-Crime Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na sa kanilang isinagawang imbetigasyon na nakakatanggap ng 10 hanggang 15% komisyon ang mga kongresista sa mga infra projects na ginagawa ng DPWH.

Sa laki aniya ng komisyon ng mga kongresista sa mga proyekto halos 50% na lang ang napupunta sa project cost.

Facebook Comments