Infrastructure projects, posibleng ibida ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA

Inaasahang kasama sa mga tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagawa at natapos ng kaniyang administrasyon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na sa ilalim ng administrasyong Duterte ay halos tatlong beses ang mga natapos na proyektong pang imprastraktura kumpara sa mga nagdaang administrasyon, na aniya’y pinakamarami sa kasaysayan ng bansa.

Tinukoy ni Villar ang 26 na kilometrong mga highway, higit 5,000 mga tulay at 10,000 mga infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build Program.


Maliban dito nakapagpatayo din ang DPWH ng 180 evacutaion centers at 250 bed capacity na mga modular hospital na nagagamit ngayon sa paglaban ng bansa laban sa COVID-19.

Isama pa rito ang mga proyekto sa transportasyon tulad ng mga bagong paliparan at pantalan, extension ng Light Rail Transit-2 (LRT), mga bagong bagon ng Metro Rail Transit (MRT) at ang subway project na inaasahan ang partial opening bago matapos ang termino ng pangulo sa susunod na taon.

Kaugnay nito, aabot sa 6.5 milyong trabaho ang nalikha sa ilalim ng Build, Build, Build, Program.

Sinabi pa ng kalihim na kahit pandemya ay siniguro ng administrasyon na matatapos ang ilang flagship projects na una nang ipinangako ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments