Inaasahang mareresolba na sa mga susunod na araw ang inhibition ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors sa imbestigasyon nito sa dalawang murder case ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag.
Si Bantag ay nahaharap sa kasong pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid at sa inmate na sinasabing middleman sa murder case na si Cristito Villamor Palana.
Noong Disyembre ay pinatawag ang kampo ni Bantag para maghain ng counter-affidavit sa kaniyang murder complaints pero sa halip na maghain ng counter affidavit ay motion to inhibit ang inihain nito.
Ayon kay Bantag, tanging ang Office of the Ombudsman lamang ang may hurisdiksyon para imbestigahan ang kaniyang mga kaso at hindi ang Department of Justice (DOJ) dahil opisyal pa rin siya ng pamahalaan.
Hiningian naman ng komento sa naturang mosyon ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at pamilya Mabasa na pawang mga complainant sa dalawang murder case ni Bantag.
Pinayagan din si Bantag na maghain ng kaniyang reply sa mga komento gayundin ang mga complainant na maghain ng rejoinders sa reply.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Benedicto Malcontento, nagsumite na ang panel ng resolusyon sa mosyon na inihain ni Bantag.