Manila, Philippines – Inihain ni Senador Bam Aquino ang Senate Bill No. 1816 na naglalayong bayaran ang mga residente ng Marawi City na nasira ang mga tahanan at iba pang ari-arian dahil sa paghahasik ng karahasan ng Maute Terror Group.
Sa panukala ay ikinatwiran ni Aquino na ang kabayaran ay magbibigay sa mga residente ng Marawi City ng pagkakataon na agad makabangon mula sa pinsalang dulot ng pagsalakay ng grupong Maute.
Sa nanyaring pag-atake, ay napilitang umalis sa kanilang mga tahanan ang libu-libong residente ng Marawi at pansamantalang nanirahan sa evacuation centers o sa mga kamag-anak sa mga kalapit na lugar.
Nasira rin sa pagsalakay ang mga negosyo na siyang pinagkukunan ng trabaho at ikabubuhay ng maraming residente ng Marawi.
Giit ni Aquino, kailangan ng mga residente ng Marawi ng agarang tulong mula sa pamahalaan upang sila ay makabangon at makabalik sa normal na pamumuhay.