Manila, Philippines – Inihain ni Senator Sonny Angara ang Senate Bill Number 1944 na nagpapaloob sa curriculum ng elementary at high school ng disaster preparedness o pag-iwas at paghahanda sa kalamidad.
Punto ni Angara, ang Pilipinas ay bukas sa iba’t-ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, matitinding pagbaha, pagputok ng bulkan, lindol at iba pa.
Bunsod nito ay iginiit ni Angara na mahalagang mabigyan ang mga mag-aaral ng tama at sapat na kaalaman sa pag-iwas at paghahanda sa ibat-ibang uri ng kalamidad.
Ipinaliwanag ni Angara na mabisang paraan ito para mapigilan ang pagkamatay o matinding pinsala sa paghagupit ng kalamidad.
Ang Department of Education (DepEd) ang inaatasan ng panukala na bumalangkas ng implementing rules and regulations o IRR sa oras na ito ay maisabatas.