Umaasa ang pamahalaan na hindi magiging dahilan ang inihaing petisyon na humihingi ng temporary restraining order (TRO) laban sa COVID vaccination program sa 5 hanggang 11 taong gulang upang muling magkaroon ng pag-aalinlangan ang mga magulang sa pagpapabakuna sa kanilang mga anak.
Sa presscon sa Malakanyang, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na katatanggap lamang nila ng opisyal na kopya ng petisyon at kanila na rin itong niri-review.
Ayon pa kay Vergeire, noong pumasok ang COVID pandemic sa bansa ay bumagal ang regular na bakunahan sa mga kabataan o iyong routine immunization ng mga ito.
Ngayong mayroong bagong bakuna na ipakikilala sa mga bata bilang proteksyon laban sa COVID-19, mahalaga aniya na magtulungan ang lahat at huwag magpadala sa mga ganitong inihahaing petisyon.
Lahat aniya ng bakunang ginagamit sa bansa ay ligtas at epektibo.