Inihaing petisyon sa Korte Suprema laban sa 2025 national budget, hindi dapat katakutan –SP Escudero

Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat katakutan at ikabahala ang inihaing petisyon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez at Davao City Rep. Isidro Ungab sa Korte Suprema laban sa 2025 national budget.

Para kay Escudero, welcome sa kanya ang mga petisyon na kumukwestyon sa anumang batas na ipinapasa ng Kongreso.

Sinabi ng SP na oportunidad ito para makilahok sa proseso ng budget at tulad sa executive at legislative ay makikita ngayon ang magiging papel ng judicial branch.


Ang inihaing petisyon laban sa P6.326 trillion 2025 national budget ay hindi dapat katakutan at ikabahala dahil bahagi ito ng isang malakas at matatag na demokrasya sa ating bansa para sa anumang batas kabilang na ang pambansang pondo.

 

Dagdag pa ni Escudero na dapat lamang na hinaharap ito at sagutin ng mga opisyal ng pamahalaan at kung sa huli ay hindi magkasundo ay korte na ang magpapasya kung sino ang tama o mali at sino ang may pagkukulang at wala.

Muli ring nanindigan ang lider ng Senado na walang blangko at kulang sa 2025 General Appropriations Act at mas mananaig ang enrolled bill kahit pa may makitang pagkakaiba rito sa Bicameral Conference Committee report.

Facebook Comments