Manila, Philippines – Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang nakatakdang pagbalik sa bansa ng dating mga NDF negotiators na si Luis Jalandoni at Fidel Agcaoili ay para lang i-delay ang localized peace talks.
Pahayag ito ng kalihim matapos ang akusasyon ni Satur Ocampo na nagpakita ng “bad faith” ang pamahalaan nung isinasagawa ang peace talks.
Giit ni Lorenzana, ang NDF ang nagpakita ng bad faith, dahil ginamit lang nila ang peace talks para maisulong ang kanilang agenda.
Gawain na aniya ng CPP-NPA-NDF na gamitin ang peace talks bilang pagkakataon para makapag-recruit at makapagpalakas ng pwersa.
At sa pagkakataon aniyang ito ganito pa rin ang agenda ni NDF Founding chairman Joma Sison kaya niya pinababalik sa bansa sina Jalandoni at Agcaoili para makipag-usap sa gobyerno.
Ayon kay Lorenzana, marami na kasi sa mga komunista ang sumuko dahil sa tagumpay ng E-CLIP program ng pamahalaan, kaya gusto naman ni Sison ng pagkakataon para makabawi ang kanilang pwersa.