Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi nakabilang sa mga napag-usapan sa cabinet meeting kagabi ang extension ng batas militar sa Mindanao.
Ito ay sa harap na rin ng rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na palawigin ang martial law dahil na rin sa suporta ng mamamayan pati na ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hindi nakabilang sa line up ng mga issue na pinag-usapan ng gabinete at ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi ang posibilidad ng pagpapalawig ng martial law.
Pero sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kahit hindi nakasama sa agenda ng cabinet meeting ang martial law ay natalakay naman ito sa isang pribadong pulong sa labas ng Malacañang.
Hindi naman din nagbigay ng buong detalye si Guevarra sa kanyang pahayag at hindi din nito binanggit kung mayroon na bang desisyon si Pangulong Duterte sa usapin.
Matatandaan na kagabi sa cabinet meeting sa Malacañang ay inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagpapatuoy ng pagsingil ng excise tax sa petrolyo sa susunod na taon.