Duda ang Philippine National Police (PNP) sa inilabas na figure ng Ateneo policy center kung saan nakapagtala ng 7,000 drug-related killings mula nang magsimula ang Administrasyong Duterte noong 2016.
Ayon kay PNP Spokesman Police Col. Bernard Banac, maling i-ugnay sa droga ang mga insidente ng pagpatay kung saan ilan sa mga posibleng motibo ay away-pamilya, land dispute, road rage, aksidente o tinamaan ng ligaw na bala.
Sa datos ng “real number ph” na proyekto ng presidential communications group na nasa 5,281 lang na kaso ng pagkamatay ang naitala sa anti-drug operations mula July 1, 2016 hanggang February 28, 2019.
Pero sa pag-aaral ng Ateneo Police Center, nasa 7,029 killings na ang naitala mula May 10, 2016 hanggang December 31, 2018.
Bagama’t duda sa reliability ng source ng impormasyon inirerespeto naman aniya ng pnp ang opinyon at resulta ng pag-aaral ng Ateneo think tank.
Aminado naman si Banac na hindi maiiwasang maakusahan ang pnp sa mga hinihinalang human rights violations dahil na rin sa uri ng kanilang trabaho.
Pero giit niya, sumusunod ang PNP sa rule of law at inirerespeto ang karapatang pantao at kahalagahan ng buhay.
Tiniyak din nito na patuloy ang ginagawa nilang internal cleansing sa hanay ng pulisya.